Friday, October 28, 2011

Muli

Madalas, napagbibiruan ang pagiging 'kuripot' daw ni Tito Danny. Sabi nga sa sobrang sipag at pagtitipid, naging paborito niyang pampalipas oras ang panunulsi. Panunulsi ng sirang kobre kama, kumot o di kaya'y lumang sako ng bigas.

Ngunit ang totoo, si Tito Danny ang isa sa pinaka-mapagbigay na taong nakilala ko. Hindi lamang sa materyal na bagay kundi sa mas importante, mas mahalagang pamamaraan. Kasama ng kanyang asawa at mga anak, buong puso niyang binuksan ang kanilang bahay at buhay para sa amin.

My beloved Tito Danny with his family
Naaalala ko pa nuong ako'y nasa kolehiyo at hindi ako madalas makadalaw sa Cabanatuan. Minsan, tila may pagtatampo niyang sinabi sa akin na "umuwi naman kayo dito" o kaya'y "bakit hindi muna kayo magbakasyon dito sa amin?". Eh, hindi nga ba't nagpagawa pa siya ng mga karagdagang silid para sa mga kapatid at kamag-anak niyang bumibisita?

Nang mawala si Lola Anya, akala ko mawawalan na rin ako ng mga masasayang alaala sa Cabanatuan. Hindi pala. Si Tito Danny pala ang papalit sa puwang na iyon. Siya na ang naging sentro ng aming pamilya. Siya rin ang nagbuklod sa kanilang magkakapatid at sa aming magpipinsan.

Kaya nga kahit sa huling pagkakataon, nais kong magpasalamat sa kanya. Sa lahat ng kanyang ibinahagi sa akin; sa walang pag-iimbot na pagpapatuloy niya sa kanyang tahanan at sa mga walang katumbas na mga alaala.

Maraming salamat, Tito Danny. Mahal na mahal ka namin. Hanggang sa muli.


-Faye

2 comments:

Martha said...

Maraming salamat sa lahat, Tito Danny. Hanggang sa huli, naging inspirasyon ka sa'min.

Anonymous said...

<3<3<3